Huwebes, Agosto 11, 2016

Kasaysayan ng Bayanihan

Sa matagal na kasama ang mga tribu, natutunan kong alamin ang mga munting kasaysayan ng lugar kung saan ako lumaki at kabilang na tribu. Ito ay nagpasalinsalin sa mga bibig ng mga matatanda at noong unang panahaon ay hindi uso ang pagsusulat o pagdodokumento ng mga pangyayari. Kaya nga napakahalaga ng gampanin ng mga nakakatanda ng lugar at tribu. 
Ayon sa magiting na historian na nakilalala ko na walang pangingiming nagbahagi ng kasaysayan ng lugar ng tribu. Ayon sa kanya , ang  Bayanihan bago pa lamang maging isang barangay ay pinamumugaran ng mga tribong Egongot na ang kaugalian ay hindi isang maka-kristiyano sapagkat noong panahong iyon ay manaka-naka pa rin nilang ginagawa ang minanang kaugalian sa mga ninuno na pamumugot ng ulo ng tao. Noon ay isa lamang sitio ng Kadayakan ang Bayanihan kung saan ito ay may limang kilometro ang layo mula sa bayan ng Maria Aurora.


Noong taong 1970, ang Bayanihan ay sakop pa lamang ng Barangay Kadayakan. Ang salitang Kadayakan ay nagmula sa salitang “DEZEK” na ang kahulugan nito ay matigas na kahoy. Ang lugar na ito ay maraming punong-kahoy na matitigas kung kaya’t tinawag ng mga  Egongot (ilongot) na “Kadezekan”, lugar na kung saan dito nagsisipagkuha ng troso ang mga Egongot  at mga magtotroso. Paglipas ng ilang taon ang salitang Kadezekan ay tinaguriang KADAYAKAN.
Noong nakaraang panahon, ang Barangay Kadayakan ay pinamumunuan ni G. Dengpag Ebenga( kilala ngayon sa pangalang Salvador Molina) na isang purong Egongot. Sa paglipas ng mahabang panahon ng kanyang pamumuno , binigyan niya ng pagkakataon ang kapwa niya kababaryo upang matutuhan at maranasan ng ibang matatanda na mamuno sa kanilang lugar. At ng sumunod na halalan ay hindi na kumandidato si G. Dengpag Ebenga bagkus ay hinimok na lang niya si G. Sixto Lupin-na , na isang tubong Igorot na lumaban siya sa halalan at kanyang susuportahan ito. Ang katunggali ni G. Sixto Lupin-na ay si G. Oscar Santos na isang Bininyagen(Tagalog). Nang sumapit ang bilangan , inaasahan ni G. Dengpag Ebenga na ang mananalo sa halalan ay si G. Sixto Lupin-na ngunit taliwas sa kanyang inaasahan. Nagalit si G. Dengpag Ebenga dahil naniniwala siya na ang bilangan ay may anomalyang naganap. Kung kaya’t ang pangyayaring ito ang nag-udyok sa kanya na lumapit at mag-apela sa kasalukuyang punong bayan  noon na si G. Leonardo T. Ong. Nagbigay pahayag siya at buong tapang na nagsabing  hindi siya papayag na ang Kadayakan ay pamunuan ng isang bininyagen , sa kabila na ang Kadayakan ay isang lugar ng katutubong Egongot at Igorot. Upang maalis ang napipintong galit mula sa mga katutubong ito, ay nagpasya ang mabait na punong bayan ng Maria Aurora na ang Kadayakan ay hatiin na lamang at gawing dalawang barangay. Kaya’t mula noon, isinilang ang Barangay Bayanihan , Maria Aurora, Aurora. Ang salitang “BAYANIHAN” ay nangangahulugan ng “Pagkakaisa”.  Noong ika-29 ng Mayo, 1972 ay ganap na naging isang barangay ang Bayanihan sa pamamagitan ng Provincial Board Resolution No. 253. Ito ay pinamunuan ni G. Salvador Molina bilang kapitan kasama ang kanyang konsehal na sina G. Watang Aliwak Sr., Mariano Campos, Prudencio Silvestre, Taingen Cawad, Eppoy Caanawan at William Sadaken.
Kasunod nito, dumami na ng dumami ang mga dayuhan . May mga Bikolano, Bisaya, Igorot, Ilocano, Tagalog at marami pang iba. Ang mga ito ay nagsipag-asawa ng mga Egongot na lalake at babae. Dahil dito, ang Barangay Bayanihan ay mabilis na napuno ng tao sapagkat noong panahong iyon ay kasagsagan ng logging.

Ang pangunahing hanapbuhay ng mga taga Bayanihan ay pagkakaingin sa lugar na nasasakupan lamang ng barangay. Sila ay nagtatanim ng mga lamang ugat  tulad ng gabi, ube, kamoteng kahoy, luya, kamoteng baging , mga prutas tulad ng papaya , saging, citrus, suha at niyog. Marami rin sa mga tribo ang masipag mag-alaga ng mga hayop tulad ng manok, bibe, kambing, baboy, baka at kalabaw. Dito nakasalalay ang lahat ng kanilang ikinabubuhay. May  ilan din sa  mga matatandang Egongot ang pinagkalooban ng karapatan na magmay-ari ng sariling area o lupain sa kabundukan na hanggang ngayo’y  patuloy na pinagkukunan ng kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

Ayon sa mga kwento ng mga matatanda at ng ilang mamamayan ng Bayanihan, ang Bayanihan noon ay masasabing simple lang. Na ang pakiramdam ay tila nasa bukid ka lang , payapa ang pag-iisip at tila walang nakaambang mga problema.

Ang mga bahay noon ay halos yari sa kugon at sawali lamang. Tanging pagkakaingin at pangangaso ang pinagkukunan ng pagkain ng mga mamamayan dito. Wala pang mga pasilidad at imprastraktura kung kaya maging ang mga kalsada ay hindi pa rin sementado.

Sa kabila ng lahat, mababakas pa rin sa ngiti at kilos ng mamamayan dito and diwa ng pagkakaisa at pagtutulungan. Makikita mo ang mukha ng Bayanihan sa pagsasama-samang pagbubuhat ng bahay na kung saan maaaninag ang matatamis na ngiti ng mga mamamayan sa kabila ng hirap at bigat ng bahay na binubuhat. Maaalala rin ang sama-samang paglutas ng mga mamamayan kung ang isa sa kanila ay masuong sa problema. Ilan lamang ito sa napakagagandang bagay na dapat alalahanin,dapat ipagpatuloy at dapat pagyamanin sa mga nasimulang kaugalian at tradisyon ng mga mamamayan ng Bayanihan noong unang panahon.
.Dahil sa kasipagan at pagiging masigasig ng mga Egongot na namumuno sa Bayanihan, natatamasa na nito ang unti-unting pagbabago na kahit sa imahinasyon ay hindi nakita ng mga ninuno ng mga Egongot sa kanilang panahon.
           
Dumami na rin ang mga nakapag-aral na mga mamamayan ng Bayanihan at ngayon ay mga propesyonal na.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento